Kamara idinipensa ang pagtanggal ng kongreso sa PhilHealth premiums subsidy sa 2025 National Budget
Ipinagtanggol ng liderato ng kamara ang pag-aalis sa PhilHealth premiums na nakapaloob sa 2025 National Budget dahil ito ay direkta nang ibinigay sa mga government hospital, specialty centers, at medical infrastructure projects na pakikinabangan ng mga mahihirap na mamamayan.
Niliwanag ni Asst. Majority leader Tingog Partylist Rep. Jude Acidre ang dahilan ng desisyon ng kamara, dahil ang problema ng PhilHealth ay hindi ang pondo kundi ang hindi episyenteng fiscal management.
Asst. Majority leader Tingog Partylist Rep. Jude Acidre / HREP FB
Ayon kay Acidre, “Ganito lang ho yun. Kung nakikita mo ang binigay mo dati ay hindi pa nagagamit, bakit mo dagdagan para lang i-exacerbate yung efficiency na mayroon ang isang agency?”
Aniya, hindi basta-basta nagdesisyon ang kamara kundi dumaan ito sa masusing diskusyon sa budget deliberations, dulot ng frustration ng publiko sa pamamalakad ng PhilHealth.
Giit ni Acidre, ang inalis na government subsidy sa PhilHealth ay napunta sa pagpapatapos ng Philippine Cancer Center, expansion ng National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines, at upgrading ng mga regional hospital.
Inihayag naman ni House Deputy Majority Leader La Union Rep. Paolo Ortega, na may problema talaga sa fund disbursement ang PhilHealth na nagpapahirap sa mga accredited hospital na makasingil.
House Deputy Majority Leader La Union Rep. Paolo Ortega / HREP FB
Ayon kay Ortega, “May problema po talaga sa fiscal management. Halos every 3 months o every 2 months kinakailangan naming mag-supplemental kasi nahihirapan ang mga district hospital, hirap na hirap sila maningil sa PhilHealth. Biro mo, ang liliit na ospital umaabot sa milyon dahil nag-pile up na po sa dami ng kailangang singilin.”
Nanawagan naman si Zambales Congressman Jefferson Khonghun sa pamunuan ng PhilHealth, na ayusin muna nila ang kanilang problema sa paggamit ng pondo bago bigyan ng subsidiya ng gobyerno.
Zambales Congressman Jefferson Khonghun / HREP FB
Aniya, “Ako personally nananawagan sa ating pamunuan ng PhilHealth, na ayusin muna ang kanilang utilization at ibalik yung ssrbisyo sa ating mamamayan. Dahil kung hindi, baka mapilitan tayo na manawagan sa PhilHealth, sa mga opisyales, kung hindi nila kayang gawin ang trabaho nila, umalis sila diyan at hayaaan ang ating pamahalaan, ang ating administrasyon na maghanap ng mga tao na kayang bigyan ng solusyon ang problema ng PhilHealth.’
Vic Somintac