Ilang tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan ininspeksiyon ng mga opisyal ng PNP at Bulacan provincial government
Ilang linggo bago ang pagsalubong sa bagong taon, nagsagawa ng inspeksiyon ang mga opisyal ng Phil. National Police (PNP) sa ilang tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan.
Pinangunahan mismo ito ni Pol. Gen. Rommel Francisco Marbil kasama ang mga opisyal ng PNP Civil Security Group na nagbibigay ng permit sa mga manufacturer, dealer at retailer ng paputok.
Layon ng inspeksyon na tiyakin na pawang mga legal, de kalidad at ligtas na mga paputok lang ang ibinibenta sa publiko.
Kasabay nito, inilabas ng PNP ang listahan ng mga ipinagbabawal na paputok.
Kasama sa mga bagong naragdag sa listahan ang ilang pangalan ng bagyo na naminsala sa bansa ngayong taon, gaya ng Christine, Carina, Ulysses at Pepito.
Ayon kay General Marbil, bukod sa mga physical store, ay magsasagawa rin ng online patrolling ang PNP Anti-Cybercrime group para tugisin naman ang mga nagbebenta ng paputok sa online na mahigpit na ipinagbabawal sa batas.
Hindi kasi aniya na-iinspeksyon ang mga produkto nila at wala ring permit ang mga nagtitinda nito.
Inatasan din ng heneral na hulihin ang mga retailer na nagbebenta ng paputok sa mga bangketa.
Ayon sa samahan ng mga nagtitinda ng paputok, malaki ang nawawala sa kanilang benta dahil sa talamak ng bentahan ng paputok online.
Karamihan anila sa mga ibinibenta online ay imported na mga paputok na mahigpit ding ipinagbabawal.
Sa ngayon ay unti-unti nang gumaganda ang bentahan ng paputok sa Bocaue.
Inaasahan naman na tataas pa ang presyo ng paputok habang papalapit ang bagong taon.
Mar Gabriel