Canada PM Trudeau, sinabing bababa siya sa puwesto kapag may napili nang bagong Liberal party leader

Canadian Prime Minister Justin Trudeau speaks to reporters from his Rideau Cottage residence in Ottawa on Jan. 6. / Reuters

Inanunsiyo ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau na bababa na siya bilang lider ng ruling Liberals makaraan ang siyam na taon sa tungkulin, ngunit mananatili sa puwesto hanggang sa makapili ang partido ng papalit sa kaniya.

Si Trudeau, na naharap sa matinding pressure mula sa Liberal legislators na magbitiw na sa gitna ng mga survey na nagpapakitang ang partido ay matatalo sa susunod na eleksiyon, ay nagsabing masususpinde ang parliyamenyo hanggang sa March 24.

Ibig sabihin, hindi malamang na magkaroon ng halalan bago ang Mayo at si Trudeau ay mananatiling prime minister hanggang sa manungkulan na sa Jan. 20 si US President-elect Donald Trump, na nagbantang magpapataw ng mga tariff na pipilay sa ekonomiya ng Canada.

Ayon kay Trudeau, “This country deserves a real choice in the next election, and it has become clear to me that if I’m having to fight internal battles, I cannot be the best option in that election.”

Ang 53-anyos na punong ministro ay nanungkulan noong November 2015 at dalawang ulit na nagwagi sa reelection, at naging isa sa “longest-serving” prime ministers ng Canada.

Ngunit nagsimulang bumagsak ang kanyang popularidad dalawang taon na ang nakalilipas, sa gitna ng galit ng publiko sa mataas na presyo at kakulangan sa pabahay, at hindi na siya nakabawi.

Lumitaw sa mga survey na labis ang magiging pagkatalo ng Liberals sa Conservatives, ang opisyal na oposisyon sa isang eleksiyon na dapat ay maganap sa huling bahagi ng Oktubre, sinuman ang nakaupong lider.

Ang parliyamento ay nakatakdang magpatuloy sa Enero 27 at ang mga partido ng oposisyon ay nangakong ibababa ang gobyerno sa lalong madaling panahon, na malamang ay sa katapusan ng Marso.

Ngunit ang parliyamento ay hindi babalik hanggang sa Marso 24, kaya ang pinakamaaga para makapagprisinta ng isang non-confidence motion ay anumang petsa sa Mayo.

Sinabi ni Trudeau na hiniling niya sa Governor General ng Canada, ang kinatawan ni King Charles sa bansa, na sa Marso 24 na magkaroon ng panibagong sesyon ang parliyamento at pumayag naman ito.

Ang Conservatives ay pinamumunuan ni Pierre Poilievre, isang career politician na umakyat ang popularidad sa mga unang bahagi ng 2022 nang suportahan niya ang truck drivers na sumakop sa sentro ng Ottawa bilang bahagi ng isang protesta laban sa mandato para sa COVID-19 vaccine.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *