Pekeng bigas nakarating na sa Batangas
TANAUAN City, Batangas (Eagle News) — Ipinag-utos ni Tanauan City mayor Antonio C. Halili ang pagsusuri sa lahat ng mga ibinibentang bigas sa palengke ng bayan ng Tanauan sa Batangas.
Ipinagbawal din nito ang pagbebenta ng bigas na may tatak na “JM” sa sako.
Ito ay matapos mapa-ulat na isa sa mga residente ang nakabili ng hinihinalang pekeng bigas at naging dahilan ng pagkakasakit ng anak nito..
Sa pagsusuri ng LGU Tanauan, lumalabas na may halong plastic ang bigas na binili ng nasabing residente dahil nang sunugin ito, natunaw ito at nang nabuo ay nangingitim ito.
Dahil dito, agad na pumunta si Mayor Halili kasama ang Tanauan PNP sa mga tindahan ng bigas sa palengke upang inspeksiyunin ang mga ibinibentang bigas.
Nagbabala din ang alkalde na kakanselahin nito ang mga permit ng tindahan na masusumpungang nagbibenta ng pekeng bigas.