Mga residente ng Marikina, hinikayat na makiisa sa 2015 Census
MARIKINA, Agosto 15 (PIA)–Hinihikayat ni Marikina Mayor Del De Guzman ang lahat ng residente ng lungsod na makibahagi at makiisa sa isinasagawang census ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsimula noong Agosto 10 at tatagal hanggang Setyembre 6 sa lahat ng 16 na barangay sa lungsod.
Layunin ng 2015 Census of Population ng PSA na makalikom ng mahalagang datos sa bawat residente na magagamit bilang basehan sa mga pag-aaral at pagbalangkas ng mga batas, programa, polisiya at prayoridad na serbisyo ng pamahalaan. Ito rin ay ginagamit para sa klasipikasyon ng mga lungsod.
Kabilang sa mga impormasyon na hihingin ng mga enumerator sa mga residente ay ang kanilang pangalan, detalye tungkol sa mga taong kasamang nakatira sa nasabing tahanan, kasarian, petsa ng kapanganakan at kung kailan pinatala, marital status, relihiyon, edukasyon, ilang datos tungkol sa trabaho tulad ng mga technical/ vocational courses at hinggil sa mga kasama sa tahanang nagtatrabaho sa ibang bansa, impormasyon sa bahay tulad ng uri at kayarian nito, pinagkukunan ng tubig na maiinom, kuryente, magmamay-ari ng lupa at bilang ng miyembro ng pamilya na namatay na at iba pa.
Upang matiyak na lehitimo ang mga enumerator, ang mga ito ay may suot na identification card at uniporme ng PSA. Sila ay magkakasama o grupong nagsasagawa ng survey at mayroong kasamang supervisor para sa mga katanungan at monitoring. Mayroong 400 enumerators ang iikot sa lungsod para kumuha ng datos.
“Mahalaga ang survey na ginagawa ng PSA para matukoy ang mga mahahalagang impormasyong kailangan ng pamahalaang nasyonal at maging ng ating lungsod para mas maging angkop ang mga batas at programang ating ipatutupad. Nawa ay suportahan ng ating mga kababayan ang census na ito,” wika ni De Guzman. (PIO Marikina/RJB/SDL/PIA-NCR)
http://news.pia.gov.ph/article/view/231439541097/mga-residente-ng-marikina-hinikayat-na-makiisa-sa-2015-census
http://news.pia.gov.ph/article/view/231439541097/mga-residente-ng-marikina-hinikayat-na-makiisa-sa-2015-census