DOH, Hinihikayat Ang Publiko Na Pahalagahan Ang Anumang Uri Ng Bakuna
DAGUPAN CITY, August 24 (PIA) – Hinihikayat ng Department of Health (DOH) ang mga magulang na pahalagahan ang anumang uri ng bakuna sa eskwelahan ng mga bata upang makaiwas sa anumang uri ng sakit.
Ayon kay Dr. Wilda Silva ng DOH sa Ilocos, sinimulan na ng health department ang implementasyon ng kanilang nationwide vaccination program katuwang ang Department of Education (DepEd) at ang Department of Interior and Local Government (DILG) ngayong Agosto.
“Ang mga kabataang mula Grade 1 hanggang Grade 7 ay binigyan ng libreng booster doses para sa tetanus,diptheria,measles at rubella (German measles) upang maprotektahan sila sa iba’t-ibang uri ng sakit,” ayon kay Dr. Silva sa KPB Forum na ginanap sa Philippine Information Agency (PIA) – Pangasinan office noong Huwebes.
Sinabi niya rin na walang dapat ikabahala ang mga magulang ng mga bata sa mga bakunang ibinigay ng DOH dahil gumagamit lamang sila ng mga bakuna na aprubado ng World Health Organization (WHO) kung saan ito’y ligtas, epektibo at ginagamit sa buong mundo.
Hinihikayat niya ang mga magulang at guardian ng mga bata na mabakunahan ang mga bata dahil makatutulong ito upang madagdagan ang proteksyon laban sa mga sakit tulad ng measles, rubella,tetanus at diphtheria.(VHS/AMM/PIA-1, Pangasinan)