Ibayong pag-aalaga sa Banaoang River ng Ilocos, iminungkahi ng eksperto

6102651
Photo courtesy from peakery.com


VIGAN CITY, Sept. 15 (PIA) – Ibinulgar ng isang soil erosion expert na unti-unting nilalamon ng Banaoang River ang mga mababang lugar sa Metro Vigan at naging  sanhi ng mga matitinding pagbaha at malakas na bagyo dahil na rin  sa kamandag ng “Climate Change” at “man-made calamities.”

Ito ang idiniin ni Dr. Fernando Siringan ng Environmental and Development Alternative Solutions Services, ang kompanyang inatasan ng pamahalaang probinsyal na magsaliksik sa epekto ng Banaoang River sa panahon ng kalamidad.

“Mahigit na dalawang kilometro ng shoreline sa Metro Vigan ay naanod na ng alon ng dagat mula 1944 hanggang 2014,” iginiit ni . Siringan sa naganap na Multi- Sectoral Consultation sa Kapitolyo kamakailan na dinaluhan ng mga local officials na pinangunahan ni Gobernador Ryan Singson at mga non-government organizations (NGOs).

Ayon sa dalubhasang environmentalist, nakakaalarma na ang ganyang situwasyon dahil ang estimate lang na pagtaas ng tubig  sa dagat sa Pilipinas ay isang sentimetro kada taon.

Inirekomenda niya na napapanahon na ipatupad ang dredging operation sa Banaoang River dahil mababaw na ito at kailangang mapalawak pa ang ilog na ito para maiwasan ang matinding pagbaha kung panahon ng tag-ulan lalo na kung raragasa ang malakas na bagyo.

“Kung mababaw ang ilog, hahanap ito ng daan na sasalanta sa mga karatig- bayan na nasa tabi o malapit sa Banaoang River tulad ng Santa at Caoayan na palaging nababaha sa panahon ng bagyo na kung saan nagsilikas pa ang mga residente.,” sinabi ni Siringan.

Nagbabala pa ang dalubhasa na malaki ang epekto ng “magnetite mining” o “black sand mining” sa tabi o ilalim ng dagat dahil ito ang sanhi ng erosyon o pagguho ng lupain sa tabi ng dagat.

Nabanggit niya ang resulta ng pagsasaliksik nila sa nangyaring coastal erosion sa La Union mula 1960’s hanggang 1970’s na dahil sa magnetite mining, nagging matindi  ang pinsala ng erosion sa tabi ng dagat.

Sinabi niya na ang magnetite concentrates sa Ilokos ay hindi lamang naglalaman ng iron kundi pati ang mahahalagang metals na tinatawag na titanium at vanadium. Sa halip na ang mga banyaga ang nakikinabang sa mga natural resources sa bansa na sinasamantala ang mga mineral, ang pamahalaan ang dapat na mag-develop ng industriya para sa pag- proseso ng mineral at iron, aniya.


Binanatan pa ni  Saringan ang mga local government units na nagpatupad ng quarrying operations na malapit sa Elpidio Quirino Bridge sa bahagi ng  Bantay na nagpalala sa banta ng Banaoang River. Dapat nabalanse sana ang daanan ng tubig sa pamamagitan din ng quarrying operation sa  malapit rin ng tulay sa bahagi ng Santa, idinagdag niya.


“Dapat may nabuong embankment  sa magkabilang bahagi ng ilog at ang depository dredge materials para maitaas ang level ng lupa sa naturang lugar,” sabi niya  habang hinikayat   ang DPWH na maglaan ng pondo at serbisyo para sa naturang  proyekto.  (VHS/BPP/ PIA-1 Ilocos Sur)

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *