Arrest Warrant, kinukwestiyon ng kampo ni de Lima
Inalmahan ng kampo ni Senadora Leila de Lima ang inisyung warrant of arrest ng Muntinlupa RTC kaugnay ng kasong illegal drug trading sa National Bilibid Prisons.
Ayon kay Ferdie Maglalang, Media Relations Officer ni de Lima, nakatanggap sila ng impormasyon na kararating lang ng bansa ni Judge Juanita Guerrero ng Branch 204 mula sa Macau ngayong araw
Imposible aniya na nabasa agad nito ang sandamakmak na dokumento na isinampa ng DOJ.
Kaduda-duda rin aniya ang arrest order dahil hindi pa nareresolba ng korte ang kanilang inihaing motion for jurisdiction.
Nauna nang sinabi ni de Lima na hindi ang RTC ang may hurisdiksyon sa isang government official na nakasuhan kundi ang Ombudsman at Sandiganbayan.
Ulat ni : Mean Corvera