Edgar Matobato nagpiyansa sa Manila RTC at sumuko sa Manila Police para sa kasong frustrated murder
Lumutang at nagpiyansa sa Manila Regional Trial Court ang self-confessed hitman na si Edgar Matobato para sa kasong frustrated murder.
Kasunod ito ng warrant of arrest na inisyu laban sa kanya ng Digos City, Davao del Sur Regional Trial Court Branch 14.
Dalawang daang libong piso ang inilagak na pyansa ni Matobato para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ang kaso laban kay Matobato ay may kaugnayan sa pagbaril nito kay Abeto Salcedo Junior na dating adjudicator sa Department of Agriculture sa Digos City noong 2014.
Pagkatapos sa Manila RTC ay boluntaryong sumuko si Matobato sa Manila Police District.
Sumailalim din ito sa booking procedure sa MPD kung saan siya kukuhanan ng fingerprint at mugshot.
Ayon sa abogado ni Matobato na si Atty. Jude Sabio, inaasahan nilang magpapalabas ang Manila RTC ng release order ngayong hapon para sa pansamantalang paglaya ni Matobato.
Ulat ni: Moira Encina