Pang. Duterte hindi mangingiming magdeklara ng Martial Law kapag nagpatuloy ang terorismo sa Mindanao
Inulit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang banta laban sa mga teroristang grupo sa Mindanao na hindi mangingiming magdeklara ng martial law kapag ipinagpatuloy ang pag-atake laban sa mga sibilyan.
Sa harap ito ng sunod-sunod na karahasan sa Mindanao at ng ginawang pagdukot ng Abu Sayaff sa pitong pinoy at dalawamput apat na dayuhan
“Wa-warning-an ko kayo sa Mindanao, hindi lang mga Moro, pati mga Kristiyano, lahat naman nandiyan sa kalokohan. I’m putting you on notice that I will not hesitate to use extraordinary powers of the presidency, ‘pag ‘yang mga bata, inosente… you continue with the slaughter there, then you are asking for something which I can give readily”. – Pang. Duterte
Sa pagdiriwang ng ika-tatlumput limang anibersaryo ng ruling Party Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan na may temang No to Drugs, Yes to Federalism, sinabi ng Pangulo na mapipilitan siyang gawin ito kung hindi pa rin titigil ang mga terorista sa paghahasik ng karahasan.
Ayon sa Pangulo, ang martial law ang nakikita niyang solusyon para maresolba ang problema sa terorismo at kriminalidad.
“Itong Abu Sayyaf, pati sa akin may galit. Kayo itong namumutol ng ulo, tapos magalit kayo sa akin, that situation in Mindanao cannot go on. Okay lang sa akin ‘yung fights with security forces, atakihin n’yo ‘yung kampo ng pulis, militar. Okay ‘yan. Mamatayan ako, lulunukin ko ‘yan. Pero ‘yung bobombahan n’yo ‘yung mga eskwelahan, kalokohan na ‘yan. Hinihingi talaga ninyo—you must remember that martial law is martial law”. – Pang. Duterte
Pero paglilinaw ng Pangulo, hindi ito nangangahulugan na naghahanda na siya para maging diktador ng Pilipinas.
Ito aniya ang dahilan kaya isinusulong niya at ng kaniyang partido ang Federal System of Government.
Sa pamamamagitan lang aniya ng pagbabago sa sistema ng gobyerno makakamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao
Pagtiyak ng Pangulo, bababa siya sa pwesto kung mararatipikahan at aaprubahan ng taumbayan ang Federal form of government sa pamamagitan ng isang plebesito.
Hindi naman pabor ang Pangulo sa isinusulong ng ilan na Unitary Form dahil nasa iisang pinuno pa rin ang kapangyarihan sa gobyerno.
Ulat ni: Mean Corvera