Isang SC Justice naniniwalang ang RTC ang may hurisdiksyon sa kaso ni Sen. de Lima
Walang nakikitang mali si Supreme Court Justice Diosdado Peralta sa kasong illegal drug trading na isinampa ng DOJ laban kay Senadora Leila de Lima sa Muntinlupa RTC.
Ayon kay Peralta, kung ang isyu ng hurisdiksyon ang argumento ni de Lima ay wala siyang nakikitang depekto sa kaso na inihain ng DOJ sa Muntinlupa court.
Malinaw anya sa information o kaso kung ano ang paglabag na ipinaparatang, sino ang inaakusahan at kung saan sinasabing nangyari ang paglabag.
Dahil ang paglabag aniya ay sinasabing nangyari sa Bilibid, ang kaso ay inihain sa Muntinlupa, kaya ang may hurisdiksyon sa kaso ay ang Muntilupa RTC.
Tinukoy pa ni Peralta ang nakasaad sa Section 90 ng RA 9165 na ang Korte Suprema ay inaatasan na magtalaga ng mga RTC na may exclusive original jurisdiction sa mga kaso ng droga.
Binanggit pa ni Peralta na kilala niya si Judge Juanita Guerrero bilang isang mahusay na hukom.
Ulat ni: Moira Encina