Unang reklam ng tax evasion na isinampa ng BIR laban sa Mighty Corporation submitted for resolution na ng DOJ
Idineklara nang submitted for resolution ng DOJ ang unang reklamo ng tax evasion na isinampa ng BIR laban sa Mighty Corporation.
Ito ay matapos magsumite ang Mighty Corporation at ang mga opisyal nito ng tugon sa isinumiteng reply ng BIR.
Humarap sa pagdinig ang may-ari ng Mighty Corporation na si Alexander Wongchuking na tumatayo ring Vice President for External Affairs at Assistant Corporate Secretary ng kumpanya.
Ang unang reklamo laban sa Mighty Corporation ay nagkakahalaga ng 9.56 billion pesos na nag-ugat sa mga nasamsam na mga cigarette pack sa kanilang warehouse sa San Isidro, Pampanga na nadiskubreng gumagamit ng pekeng tax stamp.
Una nang hiniling ng Mighty Corporation sa piskalya na ibasura ang unang reklamo ng tax evasion dahil bukod sa kwestyonable ang stamp verification process ng BIR ay wala itong ginawang tax assessment bago ang paghahain ng reklamo.
Itinakda naman ng DOJ ang unang araw ng pagdinig sa ikalawang reklamo ng tax evasion case laban sa Mighty Corporation sa June 8, 2017.
Ulat ni: Moira Encina