DOJ bumuo ng panel of Prosecutors na mag-iimbestiga sa mga kaso laban sa maaarestong Maute member
Nasa Iligan City na si Justice Undersecretary Renante Orceo para pangasiwaan ang pagbuo ng panel of prosecutors na mag-iimbestiga sa mga maaarestong miyembro ng Maute.
Ito ay kasunod ng kahilingan ng militar at pulisya NA magtalaga ang DOJ ng dalawang piskal na hahawak ng inquest sa mga Maute member o sa mga kasabwat nito na naghahasik ng kaguluhan sa Marawi City.
Aminado si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na mahirap para sa kanila na ipadala ang mga piskal sa mismong lugar na apektado ng kaguluhan, maliban kung ang inquest proceedings ay gagawin sa loob ng pasilidad ng militar.
Pero pinag-aaralan na anya ng DOJ na gawin ang nasabing proseso sa labas ng Mindanao.
Kinakailangan aniya nilang makagawa ng konkretong plano nang alinsunod sa taning na itinakda ng Saligang Batas para sa mga madarakip na hinihinalang sangkot sa rebelyon.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang isang tao na inaresto sa panahon ng Martial Law at suspensyon ng privilege of the writ of habeas corpus ay kailangang makasuhan sa Korte sa loob ng tatlong araw, at kung mabibigo itong gawin, kinakailangang pakawalan ang inaresto.
Ulat ni : Moira Encina