Stay fit, Iwas sakit, tema ng isinagawang physical fitness activity ng DZEC Radyo Agila
Ginunita ng DZEC Radyo Agila ang pagsapit ng ika apatnapu at siyam na taong pagkakatatag sa taong ito.
Bahagi ng kanilang aktibidad ay ang isinagawang Physical fitness activity na tinawag nilang”Stay fit, Iwas sakit”.
Dinaluhan ito ng mga residente ng Barangay Culiat, Q.C. kung saan ito ang venue ng naturang fitness activity.
Dumalo rin dito ang mga kawani ng Eagle Broadcasting Corporation.
Ito ay kinapalooban ng dalawang bahagi, ang una ay ehersisyo sa pamamagitan ng zumba at ang ikalawang bahagi ay ang health forum.
Bago pa simulan ang nasabing aktibidad ay nagsagawa muna ng libreng blood pressure monitoring at blood sugar –glucose testing.
Sa health forum, tinalakay ng mga resource persons na sina Dr. Roel Tolentino, isang surgical oncologist at Dra. Imelda Edodollon, kung paano mapananatiling malusog ang katawan at makaiwas sa mga uri ng karamdaman lalo na ang mga non communicable diseases tulad ng hypertension, diabetes, cancer, chronic obstructive pulmonary diseases at iba pa.
Binigyang diin pa ng dalawang doktor na nabanggit na dapat ring iwasan ang stress dahil malaking factor ito sa ikapagkakaroon ng sakit.
Naging masigla naman ang talakayan at pagkatapos ay nagkaroon din ng open forum kung saan nabigyang kasagutan ang mga tanong ng mga residente ng Barangay Culiat, Q.C. tungkol sa kanilang kasalukuyang medical conditions.
Sa huling bahagi ng programa ay napagkalooban ng libreng gamot at bitamina ang lahat ng mga dumalo sa nabanggit na aktibidad pangkalusugan.
Ulat ni: Anabelle Surara