Paghahain ng panukalang batas para matigil na ang paggamit sa mga kabataan bilang mga bandido o mga terorista, pinag-aaralan sa Senado
Pinag-aaralan ngayon ni Senador Sonny Angara ang mga batas na maaring magpalakas sa mga umiiral na alituntunin para matigil na ang paggamit sa mga kabataan bilang mga bandido o mga terorista.
Kasunod ito ng mga report na ginagamit ng Maute group ang menor de edad bilang panlaban sa tropa ng pamahalaan kaugnay sa krisis sa Marawi.
Ayon kay Angara kailangang kumilos ang pamahalaan upang mapigilan ang teroristang grupo na magamit ang mga bata sa kanilang iligal na operasyon.
Giit ni Angara, nakaka-alarma na pati ang mga batang walang kamalay-malay ay nadadamay sa bakbakan sa Marawi.
Hinimok nito ang mga sundalo at mga lokal na opisyal na magkaisa upang iligtas ang mga bata sa gulong nangyayari sa Marawi.
Batay sa report, ginagamit ng Maute ang mga bata bilang frontliner sa hanay ng kanilang depensa o di kaya naman ay ginagamit sa kanilang propaganda
Nire-recruit ang mga bata ng teroristang grupo at hinihimok sa pakikilahok sa bakbakan habang ang iba ay pwersahang pinasasama ng mga bandido sa kanilang operasyon.
Paalala ng Senador, ang Pilipinas ay signatory ng Convention on the Rights of child na naglalayong ipagbawal ang pagsasama sa mga bata bilang bahagi ng pakikipag-bakbakan.
Ulat ni: Mean Corvera