Imbestigasyon ng Kamara sa Resorts World attack, aarangkada ngayong araw
Sisimulan na ngayong araw ng Kamara ang imbestigasyon sa malagim na insidente sa Resorts World noong nakaraang linggo.
Tatlong komite ang magsasama para sa nasabing imbestigasyon; ito ay ang House Committee on Games and Amusement, Committee on Public Order and Safety at Committee on Tourism.
Sina Reps. Gus Tambunting, Romeo Acop at Lucy Torres-Gomez, ang mga Chairman ng nasabing komite, ang siyang mamumuno sa naturang imbestigasyon.
Dalawang resolusyon ang basehan ng hakbang na ito ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Ito ay ang House Resolution 1065 na inihain ni Ako-Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at ang House Resolution 1064 ni Quezon City Rep. Alfred Vargas.
Ang nasabing imbestigayon ay naglalayong alamin ang lapses sa security at safety protocol sa Resorts World, na naging dahilan nang pagkasawi ng 37 indibidwal matapos na maghasik ng karahasan sa hotel casino si Jessie Carlos.