DOJ iaapela ang desisyon ng SC na italaga sa mga hukuman sa CDO ang paglilitis sa Maute group
]Iaapela ng DOJ sa Korte Suprema ang kautusan nito na italaga sa mga hukuman sa Cagayan de Oro City ang paglilitis sa mga kaso laban sa mga Maute members at iba pang sangkot sa kaguluhan sa Marawi City.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, susulat muli sila sa Supreme Court para hilinging irekonsidera ang naging desisyon nito.
Una nang hiniling ng DOJ kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na magtalaga ng special courts sa labas ng Mindanao na didinig at magdedesisyon sa mga Maute cases.
Katwiran ni Aguirre mas mabuti na sa mas malayong lugar gaya sa mga korte sa Luzon at Visayas italaga ang pagdinig sa mga kaso laban sa mga dawit sa rebelyon.
Napakalapit lang aniya ng Cagayan de Oro sa Marawi City o sa Lanao del Sur kaya napakadelikado pa rin nito para sa mga hukom at piskal na hahawak sa mga kaso.
Sa kautusan din ng Supreme Court, ipinapaubaya sa Fourth Infantry Division na naka-base sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro ang seguridad sa mga court personnel, prosecutor, abogado at mga akusado sa mga kasong may kinalaman sa Marawi siege.
Sa Camp Evangelista rin ipapaditene ang mga akusado pero nasa ilalim ng pangangasiwa at kontrol ng Cagayan de Oro RTC.
Ulat ni: Moira Encina