Malakanyang umapela sa netizens na maging responsable sa pagpapakalat ng balita sa mga kaganapan sa Marawi
Nanawagan ngayon ang gobyerno sa mga netizens o gumagamit ng social media na maging responsable sa pagpapakalat ng mga impormasyon hinggil sa kaganapan sa Marawi City.
Sa regular na Mindanao Hour sa Malakanyang sinabi ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla na huwag pasangkapan sa mga terorista na nagpapakalat ng mga peke at nakakagalit na mga balita.
Ayon kay Padilla isang halimbawa nito ay ang gustong mangyari ng teroristang Maute group na maging religious war dahil sa ginawang paninira sa Cathedral ng mga Katoliko sa Marawi City at ipinakalat sa social media ang video.
Inihayag ni Padilla na lumalaban ng sabayan sa propaganda ang mga terorista gamit ang social media.
Naniniwala si Padilla na ang tanging susi para hindi na kumalat ang black propaganda ng teroristang Maute group ay ang mismong netizen na gumagamit ng social media.
Samantala hindi pa masabi ng AFP kung hanggang kailan matatapos ang liberation sa Marawi City dahil habang nasusukol ang Maute group ay lumalakas ang resitance para protektahan ang kanilang sarili.
Niliwanag ni Padilla na nakikipag-ugnayan na ang AFP sa mga local official ng ARMM at Marawi City upang maibalik sa normal ang mga lugar na na clear na ng tropa ng pamahalaan.
Ulat ni: Vic Somintac