Chairman of the Board ng Traveller’s Hotel Group ipapasubpoena ng Kamara
Nagprisinta ng bagong CCTV footage ang Resorts World Manila sa pagdinig ng Mamara kaugnay sa madugong insidente sa establisyimento nito na ikinasawi ng 37.
Sa nasabing CCTV footage makikita nang sunugin ng nag iisang gunman na si Jessie Carlos ang ilang gaming table sa loob ng casino.
Makikita rin sa video nang ilagay nito ang isang bag sa isa sa lamesang sinunog nito na may mga laman palang bala.
Dinig na dinig sa nasabing video footage ang maraming putok ng baril mula sa mga bala na nasa nasusunog na lamesa kaya naman inakala ng mga biktima na nagtatago na maraming armadong lalaki ang umatake.
Sa tantya ni Resorts World Manila President Kingson Sian nasa 300 putok ng baril ang narinig.
Sa isa pang CCTVmakikita ang pagtakbo ng mga tao habang sa isa pang video ay makikita ang ilan sa mga biktima na tahimik na nagtatago sa isang kwarto.
Sa isa namang video ay makikita ang gunman na pumasok sa isang kwarto kung saan naroon ang mga casino chips na kinuha nito.
Tatlong beses itong pumasok sa nasabing kwarto kung saan noong una ay kinuha nito ang 113 milyong halaga ng casino chips, sa pangalawa naman ay nagreload ito ng baril habang sa huling beses naman ay kumuha ito muli ng mga chips na nagkakahalaga ng 60 million pesos.
Tumagal lang ng dalawampung minuto ang bagongCCTV footage na iprinisinta sa Kamara.
Kusa na ring namatay ang ilan sa mga CCTV sa loob ng casino epekto ng makapal na usok.
Una nang sinabi ni Sian na suffocation ang ikinamatay ng mga biktima na nagtago sa dalawang kwarto sa takot na maipit sa gunfire.
Ayon kay Sian 12:43 ng madaling araw nang tuluyan nang hindi gumana ang CCTV kaya kahit pa man nakatutok sila sa CCTV room ay hindi na napansin ang kinaroroonan ng mga biktima at bigong masaklolohan ang mga ito.
Samantala, ipapa subpoena ng Kamara ang Chairman of the Board ng Traveller’s Hotel Group, Inc. ang may-ari ng Resorts World Manila na si David Chua Ming Huat para humarap sa kanilang susunod na pagdinig.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo