DOJ sinimulan na ang pagproseso sa financial assistance para sa mga biktima ng kaguluhan sa Marawi City
Inumpisahan na ng DOJ ang pagproseso sa kumpensasyon para sa mga biktima ng bakbakan sa Marawi City.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, ang Bureau of Claims and Parole and Probation administration ng DOJ ang nangangasiwa sa pagproseso ng aplikasyon sa financial assistance ng mga biktima.
Ito ay isinasagawa sa Camp Evangelista na headquarters ng 4th Infantry Division ng Philippine Army sa Cagayan de Oro City.
Sa ilalim ng Republic Act 7309, maaring aprubahan ng Board of Claims ang hanggang sampung libong pisong kumpensasyon sa mga biktima ng mararahas na krimen para sa pagpapaospital, pagpapagamot, at nawalang kita dahil sa pinsala sa katawan.
Sa pinakahuling ulat umaabot na sa 310 katao ang nasawi kabilang ang mga sibilyan, sundalo, pulis at militante simula nang magkabakbakan sa marawi city noong May 23 habang libu-libong residente ng lungsod ang lumikas.
Ulat ni: Moira Encina