Fare increase ng PNR, hinarang sa Kamara
Hinarang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang ₱5 taas-pasahe na ipatutupad ng Philippine National Railways sa Hulyo 1, 2017, dahil maraming pera ang Department of Transportation na puwedeng ipang-abono rito.
Paliwanag ni PNR General Manager na si Jun Magno, gagamitin ang kikitain sa dagdag-pasahe para sa pagsasaayos at pagkukumpuni ng mga tren, mga riles at istasyon ng tren.
Hindi naman naging katanggap-tanggap kay Quezon City Rep. Winston Castelo, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang katuwiran ng PNR.
Ayon kay Castelo, hindi gumagastos ang DOTr ngayong taon kaya maraming pondo ang departamento na puwedeng gamitin para abonohan ang pangangailangan ng PNR.
Para sa mambabatas, makabubuti kung ayusin muna nang husto ng PNR ang kanilang mga tren at serbisyo bago pag-isipan na magtaas ng pasahe dahil dalang-dala na aniya ang publiko sa ganitong mga pangako.