CHED nanawagan sa Universities at Colleges na tanggapin ang mga estudyanteng apektado ng Marawi siege kahit kulang ang requirements
Pinagtibay na ng Commission on Higher Education ang kanilang en banc resolution para pakiusapan ang mga Universities at Colleges sa buong bansa na tanggapin ang mga college student na apektado ng Marawi siege.
Sinabi ni CHED Commissioner Prospero de Vera na ilalabas na rin ang guidelines sa Universities at Colleges para matulungan ang mga estudyante na apektado ng problema sa Marawi City dahil sa pananakop ng mga teroristang Maute group.
Samantala maaari ng magamit ng mga estudyante sa state universities and colleges ang 8.3 billion pesos na inilaan ng gobyerno para sa free public higher education program ng pamahalaan.
Sinabi ni Commissioner de Vera na naglalayon ito na tustusan ang matrikula ng lahat ng undergraduate students sa may 113 state universities and colleges sa buong bansa.
Ayon kay de Vera napirmahan na rin ang implementing guidelines para sa 317 million pesos na pondo para sa matrikula ng medical students sa walong state universities and colleges.
Inihayag ni de Vera na ang free college education ay bahagi ng pagnanais ng Duterte administration na maging libre ang pag-aaral ng mga Pilipino lalo na ang mga mahihirap na estudyante.
Ulat ni: Vic Somintac