DA, hihilingin kay Pangulong Duterte na magamit ang regulatory powers para maresolba ang problema sa pekeng bigas
Hihilingin ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan ang kagawaran na gamitin ang regulatory powers nito upang solusyunan ang isyu sa umano’y peke o plastik na bigas.
Sa sandaling mabigyan aniya siya ng basbas ng Pangulo sa karagdagang kapangyarihan ay agad na pakikilusin ng DA ang National Food Authority para payagan ang mga inspektor nito na suriin ang mga inaangkat na bigas mula sa Thailand o Vietnam bago ang aktwal na pagluwas sa bansa.
Magsisiyasat na rin ang DA sa mga ulat na may nagkalat na pekeng bigas sa ilang lokal na pamilihan.
Kasabay nito hinihimok ni Piñol ang publiko na isumbong o dalhin sa DA o NFA ang nabiling bigas.
Una rito, kumalat sa social media ang video ng umano’y pekeng bigas na tumatalbog matapos bilug-bilugin pagkaluto.
May mga ulat din na pekeng bigas sa Quezon City subalit hindi pa napatutunayan ang mga naturang ulat.