Nag-viral na video ng “fake rice” pinabulaanan ng NFA
Napatunayan ng National Food Authority na hindi fake rice kundi tunay na bigas ang ipinakita ng isang netizen na nag-viral sa internet kaya lumutang ang balitang may pekeng bigas na mabibili sa merkado.
Sa panayam ng Liwanagin Natin sinabi ni NFA Assistant for Public Affairs Rebecca Olarte , tunay na kanin ang ipinakita sa video na matapos lutuin at binilog-bilog ang nilutong bigas ay tumalbog ito ng ihulog sa sementadong sahig.
Paliwanag ni Olarte , normal na tumalbog ang isang tunay na bigas na binilog dahil sa hangin na naform sa binilog na bigas.
Isinailalim din nila sa pagsusuri ang bigas ng taong naglabas ng video na nagsasabi ng fake rice at nakumpirmang tunay at hindi fake ang naturang bigas.
“Pinahanap natin ang source na yun at hiningan siya ng sample ng sinasabi niyang fake at pagkatapos yun ang ginamit sa test at naanalyze na hindi naman fake… sinubukan din namin sa aming mga kaning kinakain araw araw at ganun ang resulta lahat po tumatalbog. Pagka ito p[o ay sariwa pa madikit siya pwede po siyang pandikit ngayon pagbinilog bilog natin nagdadry na siya at nagpo-form ng bola at nagkakaroon ng konting hangin na natrap sa bilog na yun at yun ang nagko-cause ng pagtalbog”. – Olarte
Hinikayat naman ng ahensya ang publiko na agad tumawag sa kanilang NFA hotline na 0906 436 3133 para ireport kung duda sila sa bigas na kanilang binili.
Ulat ni: Marinell Ochoa