Panukalang buwis sa asin, sinusuportahan ng Philippine Heart Association o PHA
Pagkatapos ng mainit na isyu sa sugar tax, unli rice, kabilang pa sa pinag-uusapan ng publiko ay ang pagpapataw ng buwis sa mga produktong may sangkap na asin o sodium.
Sa House Bill 3719, ipinanukala na idagdag sa Republic Act 8424 o ang Tax Reform Act of 1997 ang paniningil sa mga produktong may sangkap na asin o sodium ng buwis na piso sa bawat milligram ng asin na lampas sa 1/3 bahagi na maaaring ikunsumong asin ng isang tao sa isang araw na itinakda naman ng Department of Health.
Sa panayam sa mga Cardiologist mula sa Philippine Heart Association binigyang diin nila na ito ay isang mainam na panukala para mabawasan ang pagkunsumo ng mga produktong may asin, kikita ang gobyerno at maiiwas ang mga Pilipino sa mga sakit na dulot ng malabis na pagkunsumo ng asin, subalit, dapat rin naman na timbangin pa ng husto upang walang masagasaan sa naturang panukala.
Bukod dito, makaiiwas ang tao sa pagiging hypertensive o mataas ang blood pressure.
Idinagdag pa ng mga Cardiologist na sa kasalukuyan dumarami pa rin ang bilang ng mga taong may mataas na blood pressure, payo nila, gawin ang blood pressure monitoring upang maagapan ang pagtaas nito at makaiwas sa mga kumplikasyong dulot ng mataas na blood pressure.
Ulat ni: Anabelle Surara