Mahigit ₱40M na-withdraw ng ilang depositor kasunod ng nangyaring system glitch sa BPI
Aabot sa 46 milyong piso ang na-withdraw mula sa Bank of the Philippine Islands sa kasagsagan ng nangyaring human error sa kanilang sistema.
Pero nilinaw ni BPI President and CEO Cezar Consing na ang halagang ito ay aksidente lamang na nai-withdraw.
Giit ni Consing nagpahayag naman na ang mga ito ng kahandaan na makipag settle sa BPI.
Kaya naman walang dapat na ipangamba ang publiko dahil walang salaping nawala sa kanilang bangko.
Sa pagdinig sa Kamara muling iginiit ni Consing na hindi nabiktima ng hacking ang kanilang sistema sa bangko bagkus ay resulta ng human error ang glitch na nangyari sa kanilang sistema.
Sa walong milyong kliyente ng BPI, 1.5 million na accounts ang naapektuhan ng misposting o maling posting ng transaksiyon resulta ng pagkakamaling ito.
Nilinaw naman ni Consing na hindi masyadong malaki ang mispostings sa mga apektadong account dahil nag average lamang ito ng pitong libong piso.
Muli ring tiniyak ni Consing na safe pa rin ang kanilang bangko at walang dapat ipangamba ang kanilang mga depositor.
May mga ginagawa nang hakbang ang BPI para masiguro ang kaligtasan ng kanilang sistema at milyon milyong depositors.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo