Napaulat na overpricing sa presyo ng bigas sa Marawi City, pinabulaanan ng DTI
Mariing itinanggi ng Department of Trade and Industry ang mga lumabas na ulat ukol sa umano’y overpricing ng bigas sa ilang parte ng Mindanao dahil sa giyera sa Marawi City.
Tahasan ring sinabi ni DTI Sec. Ramon Lopez na walang katotohanan ang mga report na umakyat sa ₱5,000 ang kada kaban ng bigas na dapat ay nasa ₱2,000 lamang ang bentahan.
Ayon kay Lopez, personal siyang nag-ikot sa ilang kalapit bayan ng Marawi City subalit wala namang overpricing sa presyo ng bigas.
Aniya, sinusunod ng mga negosyante at tindero ang Suggested Retail Price o SRP bukod pa sa may umiiral na price freeze dahil sa ipinatutupad na Martial Law sa Mindanao Region.
Dagdag pa ng kalihim, mayroong available doon na NFA rice na nagkakahalaga ng ₱27.00, habang nasa ₱39.00 hanggang ₱50.00 naman ang presyo ng kada kilo ng premium rice.
Sinabi ni Lopez, nangako ang National Food authority na magdadala ng karagdagang suplay ng bigas sakaling kailanganin.