Suspek sa San Jose del Monte Bulacan masaker, bumaligtad
Bumaligtad ang Bulacan massacre suspek na si Carmelino Ibañez alyas “Miling” sa mga nauna nitong salaysay kaugnay ng pagpatay niya sa isang pamilya sa San Jose del Monte City.
Batay sa ulat ni San Jose del Monte City Police Chief Supt. Fritz Macariola, matapos aminin ng 26 anyos na suspek ang pagpatay sa mag-iina at biyenan ng security guard na si Dexter Carlos ay biglang binago nito at nagturo pa ng dalawang kasama sa krimen.
Inilahad ni Ibañez sa sinumpaang salaysay nito sa harap ng kanyang abogado nitong biyernes na ang biktimang si Auring Dizon, 58-anyos, lamang ang kanyang sinaksak sa tiyan at wala rin siyang hinalay.
Itinuro ni Ibañez ang dalawang kainuman na sina alyas Tony at Inggo na kasama niyang pumasok sa bahay ng mga biktima matapos ang siyam na oras makaraang uminom ng alak at gumamit ng shabu na binili ni alyas Tony sa kabilang Barangay sa halagang ₱150.
Samantala, sa kabila ng pagbaligtad sa kanyang testimonya, sinabi ng mga otoridad na inaasahan na nila ang pagkambyo o pabagu-bagong pahayag ni Ibañez kaya hindi sila umaasa na titindig ang kaso ng masaker kung nakabase lamang sa testimonya nito.
Dapat anilang hanapan ng saksi ang krimen upang tumibay ang kaso.