Pagpabor ng SC sa Martial law, nagdidiin na totoo ang rebelyon sa Mindanao ayon sa OSG
Ikinatuwa ng Office of the Solicitor General ang pagdeklara ng Korte Suprema na may sufficient factual basis ang batas militar sa Mindanao.
Ayon kay Solicitor General Jose Calida, ang pagpabor ng Korte Suprema sa Proclamation 216 ni Pangulong Duterte ay nagbibigay-diin na totohanan ang nagaganap na rebelyon sa Mindanao at nanganganib ang kaligtasan at kalayaan ng publiko doon.
Nagpapasalamat si Calida sa mga mahistrado dahil sa pagpayag na gampanan ni Duterte ang tungkulin nito na protektahan ang sambayanan.
Naging kaisa aniya ang Supreme Court sa pagdepensa sa soberenya at integridad ng bansa at hindi nito hinayaan na magkawatak-watak.
Nanawagan din ang Solgen sa buong bansa na ipanalanging matapos na ang giyera sa Mindanao sa lalong madaling panahon at makamit na ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Ulat ni: Moira Encina