Extension ng Martial Law sa Mindanao ibabatay ni Pangulong Duterte sa assessment ng militar at pulisya
Hinihintay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pormal na rekomendasyon ng pamunuan ng militar at pulisya sa usapin ng pagpapalawig ng bisa ng Martial Law sa Mindanao.
Sinabi ng Pangulo na ang nakakaalam ng tunay na sitwasyon ng seguridad sa Mindanao dulot ng Marawi siege na ginawa ng mga teroristang Maute group ang ground commanders.
Ayon sa Pangulo nananatiling kritikal pa rin ang seguridad sa buong Mindanao hangga’t hindi nakukuha ang pinakahuling miyembro ng Maute sa Marawi City.
Bagaman kinatigan ng Korte Suprema ang Martial Law Proclamation ng Pangulo sa buong Mindanao magtatapos ang bisa nito sa July 22 o ika-60 araw mula ng ideklara ito ng Chief Executive noong Mayo 23.
Ulat ni: Vic Somintac