Senado pinagpapaliwanag na ng COA sa isyu ng “overstock supplies”
Pinagpapaliwanag na ng Commission on Audit ang Senado sa nadiskubreng sobra-sobrang suplay ng tissue paper na tatagal ng dalawang taon.
Batay sa COA report, ang Senado ay may 1.4 million na sobrang stocks gaya ng toner cartridges o tinta ng printer na aabot sa 260 thousand pesos, 12 thousand 808 pesos na halaga ng air freshener, double A batteries na nagkakahalaga ng mahigit 152 thousand, paper fastener 77 thousand pesos at toilet paper na aabot sa 37 thousand 75 pesos.
Bukod pa rito ang 1.68 million na ribbon cartridges at carbon paper.
Pero sa pag-iikot ng NET25 sa mga comfort room sa Senado, wala kahit isang suplay ng tissue.
Kahit ang mga Senador, hindi rin nakakatanggap ng ilang suplay kabilang na ang tissue paper.
Absolete na rin ang ilang suplay na binabanggit sa COA report dahil nag–upgrade o automated na ang ilang mga tanggapan at nagpapatupad ng paper less system.
Ang tanggapan ni Senador JV Ejercito, hindi rin kinukuha sa suplay ng Senado ang ilang pangangailangan ng kaniyang tanggapan.
Nangangamba ang mga Senador na malalagay sa balag ng alanganin ang Senado kapag hindi naresolba ang isyu lalo at ang Senado ang isa sa mga institusyong nag-iimbestiga sa mga anomaly at katiwalian sa mga ahensya ng gobyerno.
Tiniyak naman ni Senador Panfilo Lacson, Chairman ng Senate Committee on Accounts na may masisibak at mapaparusahan oras na gumulong na ang imbestigasyon.
Kasama aniya sa inaalam ngayon ay kung kailan nangyari at sino ang lumagda sa procurement.
Ulat ni: Mean Corvera