DPWH, nagsagawa na ng damage assessment sa nangyaring lindol sa Leyte
Nakapagsagawa na ng paunang damage assessment ang Department of Public Works and Highways sa Leyte kasunod ng magnitude 6.5 na lindol kahapon.
Sa inisyal na pagsusuri ng DPWH, wala pa silang naitatala na malaking pinsala sa mga tulay, kalsada at iba pang imprastraktura.
Pero batay sa ulat ng DPWH 4TH Leyte Engineering District Office, nagkabitak sa bahagi ng Palo Carigada Ormoc Road partikular sa pavement na malapit sa bayan ng Kananga dahil sa pagyanig.
Nananatili namang nadadaanan ng mga sasakyan ang nasabing kalsada.
May bitak din sa approach ng Valencia Bridge pero ito ay nananatili pa ring bukas sa mga motorista.
Passable din ang Ormoc Baybay Southern Leyte Road at Palompon Isabel Merida Ormoc Road.
Kinukumpirma pa kung lumikha ng bitak ang lindol sa mga tulay sa Kinuhangan, Pagsangaan, Libungao Matag ob Road.
Tiniyak ng DPWH na itutuloy ng mga lokal na tanggapan nito ang mas mabusising pag-iinspeksyon sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Ulat ni: Moira Encina