Nilalaman ng ikalawang SONA, personal na tinututukan ni Pangulong Duterte
Hands-on si Pangulong Rodrigo Duterte pagdating sa magiging laman ng kaniyang talumpati sa ikalawang State of the Nation Address o SONA sa Hulyo 24.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar, kapag mayroong ayaw ang Pangulo sa draft ng kanyang talumpati ay talagang pinapapalitan o binabago niya ito.
Hindi naman idinetalye ni Andanar ang mga nilalaman ng ulat sa bayan ng punong ehekutibo dahil nasa proseso pa aniya ang PCOO sa pagplantsa nito.
Matatandaan na noong unang SONA ng Presidente, umabot sa sampung revisions ang isinagawa ng PCOO at Presidential Management Staff sa speech, bago tuluyang aprubahan ng punong ehekutibo.
Kaugnay nito, sinabi ni Andanar na gaya ng unang SONA ni Pangulong Duterte ay magiging simple lamang ito.
Mismong ang Presidente aniya ang umapela na huwag magarbo ang pagdaraos ng okasyon.