Pagpapatupad ng National Identification Card System sa bansa suportado ng Malacanang
Muling nagpahayag ang Malacañang ng pagsuporta sa pagpapatupad ng National Identification Card System sa bansa.
Kasabay nito nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na ang panukalang Muslim Id Scheme ay isa lamang lokal na inisyatibo.
Tulad aniya ng sinabi ni Philippine National Police Chief Director Gen. Ronald dela Rosa, hindi nanggaling sa mga mas nakatataas na otoridad ang ideya tungkol dito.
Noong nakaraang linggo ay hinikayat ng Central Luzon Provincial Police Office ang 200 na Muslim leaders sa kanilang rehiyon, na magpatupad ng Muslim ID system.
Layon nito na makatulong sa dokumentasyon ng mga Barangay na tumatanggap ng mga evacuees mula sa Marawi City.
Tutol naman dito ang Armed Forces of the Philippines at ang Autonomous Region in Muslim Mindanao dahil maituturing na itong diskriminasyon.