Patuloy na paghina ng resistensya ng mga bakwit, patuloy na pinangangambahan ng DOH
Nananawagan ang Department of Health sa mga nagnanais tumulong para makapaglagay ng community kitchen para sa mga bakwit.
Ito ay upang makatiyak na ang mga pagkaing ihahain sa mga bakwit ay matutugunan ang nutritional needs na kailangan ng kanilang pangangatawan.
Ayon kay DOH Asec. Eric Tayag, ang kakulangan ng nutrisyon sa mga bakwit ay makapagdudulot ng paghina ng kanilang resistensiya na magiging sanhi ng kanilang pagkakasakit.
Sinabi ni Tayag na maiiba ang kakainin ng mga bakwit kapag nakapagtatag ng community kitchen sapagkat sa kasalukuyan ang madalas na kanilang kinakain ay noodles, sardinas o kaya ay mga delata.
Aniya, kapag may community kitchen, makapaghahain ng ibat’ibang uri ng pagkain at maiiwasan ang pagkain ng mga bakwit ng mga nabanggit na pagkain.
Samantala, binigyang diin naman ni National Nutrition Council o NNC Executive Director Azucena Dayanghirang na patuloy nilang ipinopromote ang breastfeeding sa evacuation centers, dahil aniya, breastfeeding is still best for babies.
Sa kasalukuyan, mayroong mahigit na apat na libong mga pamilya o mahigit na dalawampung mga tao ang nasa 87 evacuation centers sa labas ng Marawi City simula pa noong Mayo kung kailan nagsimula ang Marawi Siege.
Ulat ni: Anabelle Surara