Napapaulat na paglaya ni dating Sen. Jinggoy Estrada, kukontrahin ng isang anti-pork barrel scam lawyer
Tututulan ng anti-PDAF scam lawyer na si Atty. Levito Baligod ang sinasabing nakaambang pagpayag ng Sandiganbayan na makapagpiyansa para pansamantalang makalaya si dating Senador Jinggoy Estrada sa kaso nitong plunder.
Iginiit ni Baligod na malakas ang isinampa nilang reklamo laban kay Estrada at Janet Napoles kaya hindi siya dapat na basta mapalaya.
Ayon kay Baligod, kung ebidensya ang pag-uusapan, sapat ang nalalaman ng mga testigo at dokumento para patunayan na si Estrada ay tumanggap ng pera mula sa kanyang PDAF allocation sa pamamagitan ng pagpapadaan nito sa NGOs ni Napoles.
Noong Mayo 2016 ay may pinal nang pasya ang dating komposisyon ng Sandiganbayan 5th Division na huwag pagbigyan ang hiling na piyansa ni Estrada.
Pero sinasabing mayroon ng draft resolution ang Sandiganbayan 5th Division na binubuo ng mga bagong miyembro para pakawalan si Estrada.
Isang Bulakenyong abogado na dating mataas na miyembro ng gabinete ni dating Pangulong Aquino ang naging daan para mapagbigyan ang hirit na piyansa.
Pawang mga appointee ni Aquino ang mga myembro ng Sandiganbayan 5th Division na sina Justices Rafael Lagos, Maria Theresa Mendoza-Arcega at Reynaldo Cruz.
Ulat ni: Moira Encina