Martial Law extension sa Mindanao hindi makakasama sa ekonomiya ayon sa Malakanyang
Hindi naniniwala ang Malakanyang na makakaapekto sa negosyo ang pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao dahil sa patuloy na problema sa Marawi City na kagagawan ng mga teroristang Maute group.
Sa briefing sa Malakanyang sinabi ni National Economic Development Authority o NEDA Director General Ernesto Pernia na batid ng mga negosyante na may problema sa seguridad sa Mindanao dahil sa panggugulo ng mga terorista.
Ayon kay Pernia naglibot siya sa ibat-ibang lugar sa Mindanao at nakausap ang mga negosyante.
Inihayag ni Pernia na kampante ang mga negosyante sa pag-iral ng Martial Law sa Mindanao.
Niliwanag ni Pernia na suportado ng business sector ang martial law sa Mindanao dahil mas ligtas ang mga ito sa pagnenegosyo dahil ang gulo ay nasa isang bahagi lamang ng rehiyon.
Sagot ito ng Malakanyang sa pangamba ng mga kontra sa Martial Law na matatakot ang mga negosyante kapag pinalawig pa ang pagpapatupad ng batas militar sa buong Mindanao.
Ulat ni: Vic Somintac