Pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao, aprubado na hanggang katapusan ng 2017

Sa pamamagitan ng botong “Yes” ng kabuuang 261 kongresista at mga senador, inaprubahan na ang pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao hanggang Disyembre 31, 2017.

Ito ang naging resulta ng isinagawang joint special session noong Sabado, July 22  na tumagal ng halos pitong (7) oras.

Apat na senador ang kabilang sa labinwalong (18)  mambabatas na hindi pumabor sa martial law extension at sila ay sina  Senador Franklin Drilon, Risa Hontiveros, Bam Aquino at Francis Pangilinan.

Ipinaliwanag ng defense at security officials ang pangangailangan sa pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao hanggang katapusan ng taon ngunit nilinaw rin ng mga otoridad na kaagad rin nilang aalisin ang deklarasyon sa sandaling matapos na ang problemang kinakaharap sa Mindanao.

Ayon kay Defense secretary Delfin Lorenzana, importanteng matapos muna ang bakbakan at problemang hinaharap ng pamahalaan sa mga natitira pang terorista sa Marawi City upang hindi na lumawak pa ang paghahasik ng kaguluhan ng mga ito sa iba pang bahagi ng Mindanao.

Malaki aniya ang maitutulong ng martial law extension upang tuluyan nang mawakasan ang iba pang isyu ng rebelyon ng mga makakaliwang grupo at mga terorista wala pa ring tigil sa paghahasik ng kaguluhan sa tinaguriang “Land of Promise”.

Kinuwestyon naman ng ilang mga opposition congressmen ang martial law extension dahil umano sa mga paglabag sa karapatang pantao na ginawa ng militar.

Kabilang sa mga ito ay mula sa grupong Alliance of Concerned Teachers o ACT Partylist , Gabriela partylist, Anakpawis partylist.

Naging emosyonal rin ang isang Maranao community leader sa pagharap sa joint session. Si Samira Gutox Tomawis na tagapagsalita ng Ranao rescue team ay inireklamo ang umano’y pang-aabuso ng militar sa loob ng animnapung araw na martial law implementation.

Kabilang aniya rito ay ang hindi pagpapalibing sa bangkay ng mga Muslim.

Kinuwestyon naman ni Kabataan partylist representative Sara Jane Elago ang pondong ginastos ng pamahalaan sa pagpapadala ng mga sundalo sa Marawi City.

Habang ipinahayag naman ni Albay Representative Edcel Lagman na ang martial law extension ay walang factual basis.

 

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *