Mga mambabatas mula sa Mindanao, nagkaisa sa Martial law extension
Nagpahayag ng full support ang mga mambabatas mula sa Mindanao sa pagpapalawig ng Batas Militar.
Sila ay sina Representatives Bai Sandra Sema ng Maguindanao first district, Celso Lobregat ng Zamboanga city first district, Zajid Mangudadatu ng Maguindanao second district, Mauyag “jun” Papandayan ng Lanap del Sur second district at Ansaruddin Adiong ng first district ng Lanao del Sur.
Nanguna si Representative Lobregat sa mga nagpahayag ng kaniyang suporta sa Batas Militar at sinabi niyang isa siya sa mga silent majority na sumusuporta sa nasabing deklarasyon.
Binigyang diin ni Lobregat na ang ginagawang paglabag ng mga terorista sa karapatang pantao ay hindi man lamang nabanggit ng mga kumukuwestyon sa batas militar.
Malaki aniya ang maitutulong ng Martial law upang mabawasan ang paghihirap ng mga mamamayan ng Mindanao.
Ipinahayag naman ni Representative Bai Sema na dapat tumira sa Mindanao ang mga bumabatikos sa batas militar upang maintindihan nila ang tunay na gusto ng mga tao.
Aniya, ang bagong ideolohiya ng mga terorista ay hindi nila kailanman susuportahan.
Binigyang-diin din ni Sema na naging displinado ang mga mamamayan ng Mindanao matapos isailalim ang isla sa Martial Law.