Pangulong Duterte, itinigil na ang usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF
Binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang ikalawang State of the Nation address o SONA ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.
Ayon sa Pangulo, wala ng saysay ang pakikipag-usap sa makakaliwang grupo dahil sa walang humpay pa ring paghahasik ng kaguluhan ng mga ito sa iba’t-ibang panig ng bansa sa kabila ng unilateral ceasefire.
Inihalimbawa ng Pangulo ang ginagawang pananambang at pagsalakay ng mga rebelde sa mga tropa ng pamahalaan at maging sa kanyang sariling convoy.
Galit ring sinabihan ng Pangulo si CPP Founding Chairman Jose Maria Sison na tumigil na ito dahil sa taglay na sakit na Colon cancer.
Itinanggi naman ni Sison na maysakit siya at imahinasyon lamang umano ito ng Pangulo.
Samantala, suportado naman ni Philippine National Police Chief Director Ronald dela Rosa ang desisyon ni Pangulong Duterte na itigil na ang peace talks sa CPP-NPA-NDF.
Pinayuhan din ni General Bato ang mga pulis na doblehin ang pag-iingat dahil sa ilang ulit na mga insidente ng pang-aambush ng mga rebeldeng NPA na ikinasawi ng ilang tropa ng pamahalaan.