Ozamis City Mayor Aldong Parojinog at asawa nito, patay sa paghahain ng search warrant ng CIDG
Nauwi sa madugong engkuwentro ang paghahain ng search warrant ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG- Region 10 sa bahay ng mga Parojinog sa Ozamis City, Misamis Occidental.
Patay sa engkuwentro sina Ozamis City Mayor Reynaldo Aldong Parojinog Sr., asawa nitong si Susan, Misamis Occidental board member Octavio Parojinog at labing-isa pang katao.
Nadakip naman sa pag-serve ng search warrant ang mga anak ng alkalde na si Vice-Mayor Nova Princess Parojinog at Reynaldo Parojinog Jr.
Si Vice mayor Nova Princess ang sinasabing dating kasintahan umano ni Herbert Colangco, isa sa mga high-profile inmates sa New Bilibid Prisons o NBP.
Habang matatandaan namang si Mayor Parojinog ay kabilang sa mga lokal na opisyal na idinawit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakalan ng iligal na droga.
Anim (6) na search warrants ang inihain ng mga otoridad sa properties ng mga Parojinog sa San Roque lawis, Ozamis City.
(ulat ni Misamis Occidental correspondent Richard dela Cruz)