Mga residente ng Marawi City hindi pa pinapayagang bumalik sa kanilang tahanan, clearing operations ng AFP bumagal dahil sa mga IED
Niliwanag ngayon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines o AFP na wala pang pinapayagan na residente ng Marawi City na makabalik sa kanilang mga tahanan.
Ito ang inihayag ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla sa Mindanao hour sa Malakanyang.
Sinabi ni General Padilla na habang nalalapit ang tuluyang pagbawi sa Marawi City sa kamay ng mga teroristang Maute bumagal naman ang clearing operations.
Ayon kay Padilla ang nagpapabagal sa clearing operations ng tropa ng pamahalaan ay ang mga nakatanim na mga Improvised Explosives Devise o IED sa mga lugar na nabawi ng militar kabilang dito ang Mapandi bridge na gateway sa nalalabing stronghold ng mga terorista.
Iginiit ni Padilla dapat maunawaan ng mga taga Marawi City na delikado ang kanilang lugar kapag hindi ito nalinis sa mga itinanim na IED ng Maute group.
Niliwanag ni Padilla ang pinayagan lamang na makabalik sa kanilang mga tahanan ay ang mga residente ng mga bayan na nasa paligid ng Marawi City at Lake Lanao.