Body Cam Law, ihahain sa Kamara
Isusulong ni Angkla Partylist Rep. Jess Manalo ang paggamit ng body camera ng mga pulis tuwing may operasyon.
Ayon kay Manalo, sa pamamagitan nito maiiwasan ang madalas na nag-uumpugang pahayag ng mga pulis at ng subject ng operasyon.
Sa ganitong pagkakataon, papasok aniya ang scientific evidence at unedited video ng actual police operation para magkaroon ng tamang closure ang imbestigasyon.
Sinabi pa ni Manalo na kailangan nang tustusan ng gobyerno ang bodycam video para sa bawat pulis para hindi pumapalpak ang mga operasyon dahil lamang sa mga kahina-hinalang pangyayari na pinag uugatan ng pagdududa ng publiko.
Ang bodycam video na ito ay hindi umano dapat na alisin at i-switch off ng pulis na nasa operasyon at para mahigpit na masunod ito ay dapat tapatan ng suspension without pay na parusa.
Si Manalo ay maghahain ng Body Cam Law sa Kamara para maisakatuparan na ang ganitong hakbang bilang proteksiyon hindi lamang para sa mga subject ng operations kundi pati na rin sa panig ng mga pulis na karaniwangng nababahiran ng duda sa ganitong pagkakataon.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo