Dating Pangulong Noynoy Aquino binuweltahan ng Malakanyang sa pagpuna sa anti drug campaign ng Duterte administration
Tila sinampal ng numero ng accomplishment ni Pangulong Rodrigo Duterte sa anti illegal drug campaign si dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ito’y matapos magsalita ni dating Pangulong Aquino na parang walang nangyari sa anti illegal drug campaign ng Duterte administration sa nakalipas na isang taon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na tigilan na ng mga dating leader ang pamumulitika.
Ayon kay Abella mismong ang accomplishment record ni Pangulong Duterte ang magsasalita.
Tatlong punto ang ipinamukha ng Malakanyang kay dating Pangulong Aquino sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Una umabot sa 1.3 million ang sumukong mga drug addict simula ng ilunsad ang giyera laban sa ilegal na droga.
Pangalawa umabot sa mahigit 96 thousand ang naarestong drug users sa loob ng isang taon kumpara sa mahigit 77 thousand sa loob ng anim na taon ng Aquino administration.
Pangatlo umabot na sa 2,445 kilo na shabu ang nakumpiska sa loob lamang ng isang taon kumpara sa 3,219 kilo ng shabu na nakumpiska sa loob ng anim na taon ng Aquino administrstion.
Binigyang diin pa ni Abella na mas lalong lalaki pa ang accomplishment ng Duterte administration sa anti illegal drug campaign dahil lalo pa itong pinaigting at unti-unti na ring nabubuwag ang source of supply ng shabu sa bansa.
Ulat ni: Vic Somintac