Bill para sa pagbibigay ng libreng tuition fee sa lahat ng SUC’s sa buong bansa posibleng hindi pirmahan o i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte
Malaki ang posibilidad na hindi pirmahan at tuluyan nang i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inaprubahang panukala ng Kongreso na magbibigay ng libreng tuition fee sa lahat ng State Universities at Colleges sa buong bansa.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, mismong si Budget Secretary Benjamin Diokno ang nagpayo sa Pangulo na huwag aprubahan ang panukala.
Sa kabila ito ng ginawang pagtutulak ng Senate contingent sa meeting nila kagabi sa Pangulo at ginawang pagtiyak na hindi muna ipatutupad ang panukala ngayong taon kahit pa lagdaan ng Pangulo.
Paliwanag ni Diokno, hindi kakayanin ng gobyerno na balikatin ang isandaang bilyong pisong gagastusin sa implementasyon ng batas.
Bukod sa libreng matrikula sa mga SUC’s, sasagutin na rin ng gobyerno ang miscellaneous fee at tuition sa Local Colleges and Universities.
Ang panukala ay naratipikahan na ng dalawang kapulungan ng Kongreso at isinumite sa Pangulo noon pang July 5.
Kapag hindi ito nilagdaan o inaksyunan ng Pangulo, otomatiko na itong magiging batas sa August 5.
Si Senador Sonny Angara, isa sa mga pangunahing author ng panukala, umaasang hindi pa rin tuluyang namamatay ang panukala.
Plano ng Senador na ihaing muli ang panukala kapag tuluyan na itong nai-veto ng Pangulo.
Pero umaapela ito sa mga kongresista na huwag nang singitan ng anumang amiyenda para matiyak na malalagdaan ito ng Pangulo.
Sa bersyon ng Senado, matrikula lang ang tanging sasagutin ng gobyerno.
Sa ilalim ng Republic Act 10687 o UNIFAST Act, bubuo ang gobyerno ng tanggpan na tutugon sa financial assistance program ng mga mahihirap na estudyante.
Ulat ni: Mean Corvera