Peter Go Lim supplier ng grupo ni Kerwin Espinosa ng illrgal drugs sa Visayas ayon sa PNP CIDG
Tinukoy ng PNP- CIDG na ang negosyanteng si Peter Go Lim na humarap noon kay Pangulong Duterte ay ang big time drug supplier ng grupo ni Kerwin Espinosa sa Visayas.
Ayon sa referral letter ng major crimes investigation unit ng PNP -CIDG sa DOJ na naglalaman ng kanilang reklamo laban kina Lim at Espinosa, ito ay batay sa ibinunyag ng mapagkakatiwalaang tauhan ni Espinosa na si Marcelo Adorco.
Si Adorco ay nahuli sa isang buy bust operation sa Albuera, Leyte noong July 2016.
Bukod kay Lim, pinangalanan din ni Adorco si Peter Co na drug supplier ng grupo ni Kerwin sa Regions 7 at 8.
Inihayag ni Adorco na tig-20 kilo ng droga ang nakuhang suplay ng Espinosa group mula kina Co at Lim.
Ayon pa sa reklamo ng CIDG, nagkaroon ng apat na kaparehong transakyon noong 2014 ang nangyari kay Lim at sa Espinosa group.
Isa sa mga pinakahuling transaksyon ng dalawa ay noong July 7, 2015 kung saan nagdeliver si Lim ng 50 kilo ng shabu sa Espinosa group alinsunod sa napagkasunduan nila ni Kerwin Espinosa sa Thailand noong June 4, 2015.
Ang lahat din anila ng delivery ng shabu ay nangyari sa Cash and Carry sa Makati City.
Sina Lim, Espinosa, Co at ilan pang drug personalities ay ipinagharap ng PNP CIDG kamakailan ng reklamo sa DOJ dahil sa pagsasabwatan sa illegal drug trade.
Ulat ni: Moira Encina