Sen. Lacson, nanindigang huwag imbestigahan ng Senado ang Ozamis City drug raid
Nanindigan si Senador Panfilo Lacson na hindi nito iimbestigahan ang kaso ng raid sa Ozamiz City na ikinamatay ng labing-anim katao kabilang na si Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog Sr.
Ito’y kahit pa nai-refer sa kaniyang komite na Public Order and Dangerous Drugs ang resolusyon na inihain ng tanggapan ni Senador Leila de Lima na humihiling na busisiin ang posibleng iregularidad sa naturang raid.
Sabi ni Lacson, bagaman hindi niya pa nababasa ang resolusyon, wala siyang balak na kumilos hanggat walang lumulutang na testigo na magpapatunay na sinadya ang pagpatay at planted ang mga ebidensya.
Katwiran ni Lacson, ayaw niyang masayang ang oras sa pag-iimbestiga na walang kahihinatnan bukod pa sa magiging abala na ang Senado sa pagtalakay sa panukalang pambansang budget para sa susunod na linggo bukod pa sa mga nakapending na panukala sa kaniyang komite.
Nauna nang kinuwestyon ni de Lima ang paraan ng pagsisilbi ng search warrant na madaling araw na labag aniya sa operational procedures ng PNP.
Ulat ni: Mean Corvera