CHED tiniyak na hindi na maaapektuhan ng nilagdaang Free College Tuition Act ang mga estudyanteng nakapag-enroll na ngayong taon
Bagaman sa susunod na taon pa ang implementasyon ng nilagdaang Free College Tuition Act, tiniyak naman ng Commission on Higher Education na hindi maaapektuhan ang mga mag-aaral na nakapag-enroll ngayong taon .
Sa panayam ng Usapang Pagbabago, sinabi ni CHED Commissioner Prospero de Vera na may pondo ang pamahalaan para sa State Universities and Colleges o SUCs hanggang sa second semester .
Ibig sabihin ang mga nakapag-enroll sa taong ito ay hindi magbabayad ng tuition.
“Next school year dahil hindi naman kailangan yun dahil libre na ang tuition ngayon. mayroong pondo ang pamahalaan , so ngayon ang mga bata sa State Universities and Colleges ay hindi nagbabayad ng tuition so hindi maaapektuhan ito kahit simulan ang implementasyon nito sa 2018”. – de Vera
Sa ngayon aniya tatalakayin pa kung saan kukuha ng 16.8 million pesos na gagamitin para malibre ang tuition ng mgaSUCs at miscellaneous fees para sa susunod na taon.
Samantala tiniyak rin ni de Vera na ang mga karapat dapat na estudyante ang pagkakalooban ng libreng tuition para matiyak na hindi masasayang ang pondong ilalaan ng pamahalaan para rito.
“Ang mga bibigyan natin ng tulong ang mga karapat dapat na bata yung mga nagsisipag mag-aral yung mga seryosong mag-aral. Yung mga bolakbolero at forever na nag aaral palagay ko hindi kailangang bigyan ng gobyerno ng tulong yan”. – de Vera
Ulat ni: Marinell Ochoa