Planong air strike ng US sa Maute ISIS group sa Marawi labag sa konstitusyon ayon sa Malakanyang
Hindi uubra ang plano ng Amerika na manghimasok sa pakikipaglaban ng Philippine military sa Maute ISIS group sa Marawi City na dahilan ng Martial Law sa Mindanao.
Ito ang sagot ng Malakanyang sa report na nais ng US na magsagawa ng air strike laban sa Maute ISIS group sa Marawi.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na bagaman ang paglaban sa terorismo ay pananagutan ng community of nations dapat parin itong nakabatay sa umiiral na kasunduan at batas.
Ayon kay Abella lalabag sa Saligang Batas ng Pilipinas ang paglahok sa combat operation ng US forces sa Marawi City at sa umiiral na Mutual Defense Treaty.
Inihayag ni Abella ang tanging maitutulong ng US sa Pilipinas ay pagbibigay ng technical assistance, information sharing at training sa ilalim ng Visiting Forces Agreement at Enhance Defense Cooperation Agreement.
Nauna ng sinabi ni Abella na ang pagsasagawa ng air strike ng US forces sa Marawi City ay hindi napag-usapan sa pakikipagpulong ni US Secretary of State Rex Tillerson kay Pangulong Duterte sa Malakanyang noong Lunes.
Ulat ni: Vic Somintac