DOH may inoobserbahang 2 poultry workers dahil sa hinihinalang bird flu transmission sa tao
Kinumpirma ng Department of Health na may dalawang poultry worker sila na binabantayan dahil sa hinalang nahawa sila ng bird flu virus.
Sinabi ni DOH Spokesperson at Health Assistant Secretary Dr. Eric tayag na naka-isolate na sa isang ospital ang dalawang hindi pinangalanang indibidwal.
Ang isa aniya sa dalawa ay may ubo habang ang isa naman ay may lagnat.
Nabatid ito ng DOH batay sa isinagawa nilang pagtatanong sa dalawampung poultry worker sa hindi tinukoy na eksaktong lugar sa Pampanga.
Ayon pa kay Tayag, nagkaroon ng direktang kontak ang dalawa sa mga manok na apektado ng bird flu.
Kinuhanan ang dalawa ng blood at swab sample para isailalim sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine.
Inaasahang ngayong araw ay ilalabas na ang resulta ng ginawang pagsusurisa dalawa.
Tinunton na rin ng DOH ang pamilya ng dalawang poultry worker, at nabatid na hindi naman sila kailangang isailalim sa quarantine.
Wala ring nakikitang pangangailangan ang DOH para i-quarantine ang pamilya ng dalawa dahil wala pa namang naitatalang kaso ng human to human transmission ng bird flu virus.
Ulat ni: Moira Encina